Nakiisa ang Finance and Management Service (FMS) sa selebrasyon ng National Women’s Month ngayong buwan ng Marso. May temang “WE for Gender Equality and Inclusive Society”, layunin ng selebrasyon para sa taong ito na bigyang halaga ang pagkakapantay-pantay para sa lahat ng kasarian at ang panawagan para sa mas inklusibong lipunan. Ilang mga aktibidad din ang ikinasa para sa buwan ng Marso upang ipakita ang pakikiisa sa selebrasyon gaya ng pagsusuot ng kulay lila o purple tuwing Miyerkules.
Ngayong araw, Marso 15, nagkaroon din ng pagkakataon si FMS Director Wayne C. Belizar na makipagkwentuhan sa ilan sa mga kababaihan sa FMS. Ginanap sa Office of the Director, naging masaya ang tanghalian at kwentuhan kasama sina FMS Assistant Service Director Atty. Meriel P. Castillo, Emelita A. Guiraldo ng Office of the Director, Carmelita D. Coronel ng Cash Division, at Mary Grace P. Aguirre ng Management Division.
Sina Gng. Emelita at Carmelita ang pinakamatandang babaeng empleyado ng FMS habang si Mary Grace naman ang pinakabata. Layunin ng aktibidad na ito na mas kilalanin pa ang mga kababaihan sa FMS at malaman kung paano nila nararamdamang sila ay mga “empowered” na mga kababaihan.
Ayon kay Gng. Emelita, nagagalak siya dahil nabibigyan ng importansya ang mga kababaihan. “Kahit sa isang buwan lang, nakikilala ang mga kakayahan at abilidad namin bilang mga babae” giit ni Gng. Emelita.
Nagpapasalamat naman si Gng. Carmelita sa pantay na oportunidad na ibinibigay sa kanya ng opisina. “Kahit yung posisyon ko ay Administrative Assistant lang, binigyan ako ng pagkakataon ng dating Direktor at ginawa akong Disbursing Officer at Collecting Officer.” saad niya.
Para naman kay Mary Grace, isang pambihirang pagkakataon na makasama niya ang pinaka-eksperyensyadong mga kawani ng FMS dahil marami siyang matututunan mula sa mga ito. “It’s an honor po para sa akin na makaharap sila dahil matagal na po sila rito at nagsisilbi po silang inspirasyon para sa akin na pagbutihin pa ang pagtatrabaho.” sabi ni Mary Grace.
Hiling naman ni Dir. Wayne ang kabutihan para sa mga kababaihang kanyang nakasama sa tanghalian na ito. Dalangin niya na tapusin nina Gng. Carmelita at Gng. Emelita ang karera nila sa FMS at nagbilin din ito kay Mary Grace na gawing inspirasyon ang mga nakatatandang kababaihan sa FMS upang mas pagbutihin pa ang kanyang trabaho.
Happy Women’s Month! #WEcanbeEquALL
###